
Lungsod ng Panabo – Ipinagdiriwang tuwing Agosto ang Buwan ng Wika sa Pilipinas alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997. Layunin ng selebrasyon na kilalanin at pahalagahan ang wikang Filipino bilang pambansang wika at ang iba pang wika sa bansa bilang bahagi ng identidad at kultura.
Kasunod nito, ang Davao del Norte State College, sa pangunguna ng mga guro sa Filipino mula sa Institute of Teacher Education, ay nagsagawa ng maikling panuntunan noong Agosto 26. “Ang Filipino at ating mga katutubong wika ay hindi lamang kasangkapan sa pakikipag-usap, kundi haligi rin ng ating kasaysayan, kultura, at pagkakaisa,” ani G. Reymart Mancao.
Nabuhay ang selebrasyon sa kauna-unahang pagtatanghal ng DNSC Rondalla, na binuo ng Office of the Sociocultural Affairs sa pangunguna ni G. Sabar G. Hasan. Tinugtog nila ang mga kantang Palobo at Awitin Mo, Isasayaw Ko. Ani ni G. Ian S. Somosot, tagapangasiwa ng Sociocultural Affairs, “Matagal na nating pangarap ang makabuo ng DNSC Rondalla sapagkat ito ay bahagi ng sining at aliw at isa ring pamana ng kulturang Pilipino na dapat pangalagaan.”
Nagbigay din ng presentasyon ang DNSC Folk Dancers. Sa taunang Panagtagbo, na pagsalubong sa mga mag-aaral sa unang taon, nagpakitang-gilas ang lupon ng mga mang-aawit, mananayaw, at tiyatro sa Variety Show gamit ang Original Pilipino Music. Sumabay ng indayog ang lahat sa mga kantang Valse Zamboangueña, Karaniwang Tao, Limang Dipang Tao, Paraiso, Tuwing Umuulan, Mamang Sorbetero, Nais Ko, Salamat Musika, Isang Mundo, Isang Awit, at Kayganda ng Ating Musika.



