Lungsod ng Panabo – Naging matagumpay ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023 sa Davao del Norte State College dahil sa buhos ng suporta mula sa administrasyon at mga empleyado. Ang pagdiriwang ay nakaayon sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041 na nagtalaga sa Agosto bilang Buwan ng Wika.
Sa pampinid na palatuntunan na ginanap noong ika-30 ng Agosto, itinampok ang samu’t saring patimpalak na naglayong maiangat ang kamalayan ng komunidad sa pagiging ‘linguistically diversed ng Pilipinas’, maging sa kasaganaan ng kultura at kasaysayan ng bayan. Nagtagisan ang mga empleyado sa Rampabado ng mga Lakan at Lakambini, Awiting Pinoy, Interpretasyong Sayaw, at Pinakatampok na Kasuotan.
Itinanghal na Lakan si Nelvin T. Malanguis at Lakambini naman si Glory Jane S. Duena. Sa Awitang Pinoy (isahan), ang naging kampeon ay si Edgar C. Berdos. Ang mga nagwagi naman sa Awitang Pinoy (dalawahan) ay sina Jeremy B. Barnido at Liberty Lance C. De Villa. Silang lahat ay mga kinatawan ng General Administrative and Support Services Organization.
Inihayag naman na pinakamagaling sa Interpretasyong Sayaw ang grupo mula sa Institute of Teacher Education. Iniuwi ni Jezreyll James E. Cabasag ang korona sa Pinakatampok na Kasuotang Panlalaki at si Khristine Liezle S. Arnilla naman ang sa Pinakatampok na Kasuotang Pambabae.